Quantcast
Channel: FEATURES Archives - Manila Today
Viewing all articles
Browse latest Browse all 466

Isang Putok, Isang Buhay

$
0
0
jesus-laza

“Masipag mag-asikaso ng pamilya…mabait talaga ‘yung anak ko na ‘yun,” ganito isinalarawan ni Nanay Rosita Laza ang yumao niyang panganay na anak na si Jesus Laza na kabilang sa mga martir ng Hacienda Luisita Massacre noong Nobyembre 16, 2004.

Ginugunita ngayon ang ika-13 taong anibersaryo ng malagim at madugong masaker sa Hacienda Luisita na kumitil sa pitong buhay. Mga magsasaka’t manggagawang bukid na nilulupig na ng gutom at pagal sa pagbabanat ng buto bago nagpasyang maninindigan at bago napaslang sa pamamaril ng pinagsama-samang pwersa ng pulis, military at security guard ng hasyenda. Labing-tatlong taon na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay wala paring nananagot sa pangyayari. Mailap parin ang hustisya sa mga kamay ng kamag-anak na namatay dito.

Si Jesus ay 34 taong gulang nang bawian ng buhay sa massacre.

Siya ay dating manggagawang-bukid at “stockholder” ng Hacienda Luisita (na siyang naging tawag, hindi man turing, sa mga benepisyaryo ng lupa nang ipaloob ang asyenda sa stock distribution option ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP) hanggang 1990. Mula nang mangyari ito ay dumalang kanilang araw ng pagtatrabaho kada buwan at nakakakuha lang ng siyam na piso kada araw ng paggawa. Matapos makipagsapalaran sa Maynila, bumalik siya bilang sakada sa asyenda at mahigit isang dekadang naglako ng pagkain.

At kahit napakabigat sa loob ni Nanay Rosita ang alalahanin pa ang lahat ng nangyari sa kanyang anak ay patuloy niyang tinitibayan ang loob sa pagkukwento sa amin.

Kwento ni Nanay Rosita, nagawi ang anak niya sa pinangyarihan ng massacre sapagkat sinubukan nitong magbenta roon ng pastillas.

“Dati nagtitinda yun ng mga basket ng pastillas sa mga bus na tumatakbo,  pero nung nakita niyang mabili dito, maraming benta kaya nung araw na ‘yun, kumuha siya ng paninda at dito siya nagtinda. ‘Di naman niya alam na magkakagulo, na mamamatay sila,” pag-alala niya.

Siya ang pinakanakauunawa ng kawalang-hustisya sa sitwasyon ng kamatayan ng kanyang anak at kawalang-lupa nilang mga magsasaka.

“Kaya minsan ayaw ko nang pumunta rito, nung nakaraang taon pinalabas pa nila riyan, ‘di ko na tiningnan, umuwi na ‘ko. Pinalabas nila yung nangyari sa kanya. Pinilit lang ako sinama ng mga anak, bayaw ko rito. ‘Yung nangyari sa kanya, masakit. Panganay ko pa man din siya, mabait talaga siya lalo na sa mga bata.” ani Nanay habang humihikbi-hikbi pang nagkukwento tungkol sa sakit na nararamdaman niya tuwing tumatapak siya sa labas ng Central Azucarera de Tarlac upang magbenta.

“Wala pa ring nangyari, hindi pa namin nakamit ang katarungan… ganyan parin.. eh wala kaming magagawa mahirap ang buhay,” ani Nanay Rosita.

Naghihikahos pa rin sa buhay sila Nanay Rosita. Ang kanyang mga lalaking anak ay nagtatrabaho sa construction at siya naman ay tumatanggap ng kaunting pension na tatlong libo.

“’Pag may isang balot na tuyo, pwede na sa amin, tatlong itlog. Eh ako malakas-lakas pa naman ako, kaya ko pang magtanim ng gulay, nagbubungkal din ako ng lupa nagtatanim ako ng gulay-gulay o kaya yung kamote ba, kapag nagkalaman na yun ibenebenta ko, binibili nila ng sampung piso isang kilo ‘tas minsan makabenta ako ng isang daan, o may isang kilo na kami may ulam pa, ganun ang ginagawa ko,” kwento ni Nanay Rosita kung paano nila bakahin ang isang araw nang may laman ang tiyan.

Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nawawaglit kay Nanay Rosita ang nangyari sa kanyang anak na si Jesus. Tila ba nagiging sariwa ang lahat ng pangyayari sa kanya tuwing napapadpad sa lugar na iyon.

“Nagtitinda lang, pinatay pa nila. Isang putok lang, patay na agad, bagsak na agad sa morgue. Kapag buhay lang ‘yun, naku walang oras sa bahay na hindi ako niyayakap noon,” ani Nanay Rosita.

Tirik na tirik ang araw habang magkausap kami at nang magsimula nang umapaw ang emosyon ni Nanay Rosita sa kanyang mga mata. Ang isang mahaba’t masaklaw na naratibo ng kanilang kaapihan at kasalatan ay natabingan na ng isang nabarahan ng kamatayan ng kanyang anak. Wala na nga sigurong mas masakit pa. Ngunit sa kabila ng pamamayani ng emosyon ni Nanay ay patuloy pa rin siya sa paghingi ng katurungan sa malupit na sinapit ng kanyang anak. Patuloy pa rin siya at ang kanilang buong pamilya sa paniningil sa Cojuangco-Aquino, dahil para sa kanila hinding-hindi mawawaglit ang bangungot na dala ng massacre.

Isa lang ang kwento ni Nanay Rosita sa maraming kwento ng mga naulila sa mahal sa buhay. Isa lang ang kwento niya sa daan-daang magsasaka at manggagawang bukid na hindi nakapagsaka at napakinabangan ang libu-libong ektaryang lupang dapat napunta sa kanila 50 taon na ang nakaraan. Ilan lang siya sa patuloy na nagsisimpan ng sugat at naghihintay ng hustisya.

“Sana makamit na natin yung hustisya,” pagtatapos ni Nanay kasabay ng paghupa ng luha sa kanyang mga mata.

The post Isang Putok, Isang Buhay appeared first on Manila Today.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 466

Trending Articles