Quantcast
Channel: FEATURES Archives - Manila Today
Viewing all articles
Browse latest Browse all 467

Patuloy na pakikibaka sa kabila ng masaker sa Hacienda Luisita

$
0
0

Labingtatlong taon nang nagungulila ang 34-anyos na si Erwin Laza sa kanyang kapatid na si Jesus Laza, isa sa pitong martir ng masaker sa Hacienda Luisita. Sa paggunita ng madugong nangyari sa ilang mga magsasaka noong Nobyembre 06, 2004, nagtirik ng kandila si Erwin sa harap ng Central Azucarera de Tarlac upang muling alalahanin ang pagbubuwis ng pitong inosenteng buhay na walang hinangad kundi ang maibahagi sa kanila ang ilang ektarya ng Hacienda Luisita at makapagsaka.

“Nandito ako at nakikiisa sa mga inilunsad na welgang bayan, dahil ito ang nararapat at ito ang hinaing ng mamamayan ng Hacienda Luisita na makatwiran at makatarungan lamang na hingin ang para sa amin. Noong Nobyembre 06, 2004, walang takot na inilunsad ng mamamayan ng Hacienda Luisita ang welga at humigit sa 6,500 na mga mamamayan ng Hacienda Luisita ang nakiisa,” pag-aalala ni Erwin sa paglaban ng mga magsasaka at manggagawang bukid.

Nabili ng pamilya Cojuangco, pamilya ng mga dating pangulo ng Pilipinas na si Corazon Aquino at Benigno Aquino III, ang higit 6,000 ektaryang Hacienda Luisita gamit ang pera ng gobyerno, sa kasunduang pagsapit ng 1967 ay ipapamahagi ang lupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid na nagtatrabaho sa tubuhan. Saklaw ng asyenda ang nasa 10 barangay. Ngunit kalahating siglo na ang nakalipas, ilang repormang agraryo ng gobyerno ang nagwakas, ilang desisyon ng Korte Suprema pabor sa mga benipisyaryo ang inilabas at maraming buhay ng mga magsasaka ang nabuwis ay hindi pa buong-buong natatamasa ng mga magsasaka ang lupa ng asyenda at mga biyaya nito.

“Sa mismong araw ng aming pagpipiket, Nobyembre 16, kami ay marahas na sinupil ng mga kapulisan at mga kasundaluhan at ang mismong namumuno nito ay ang pamilyang Cojuangco-Aquino. Kami ay talagang pinagbabaril sa harap ng gate na ito,” pag-alala ni Erwin.

Nagpapatuloy si Erwin, nawalan man ng mahal sa buhay, dahil hindi lang siya ang naulila at hindi lang siya ang patuloy na pinagkakaitan ng lupa. Lalo pa’t nanganganib na baliktarin ang utos ng dating kalihim ng Department of Agrarian Reform Rafael Mariano na pumipigil sa pagpapalit-gamit sa lupa ng 384 sa 500 ektarya ng RCBC na ginigiit ng mga magsasakang maisama sa ipamamahagi sa kanila. Nabawasan nang nabawasan ang lawak ng lupang ipamamahagi sa magsasaka nang nagbenta nang nagbenta ng lupa ang mga Cojuangco sa RCBC ng pamilyang Yuchengco, sa paggawa ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, at iba pa.

Isa sa pinakapanawagan ni Erwin at ng iba pang mga mamamayan ng Hacienda Luisita ay buwagin ang mga asyenda upang tuluyang maging malaya ang mga magsasaka sa pyudalismo at sa mga mapang-aping panginoong maylupa. Aniya, minana pa natin ang sistemang asyenda mula ng tayo’y alipin at sakop ng mga kolonyalistang Espanyol. At dahil umiiral pa rin sa kasalukuyan, tila ba napakabagal ng pag-unlad ng bansa, lalo pa ang ilang salinlahi ng mga magsasakang nabuhay nang parang alipin at nabuhay sa gutom.

“Napakaimportanteng buwagin ang Hacienda Luisita dahil sa anumang usaping legal ay natalo lahat sa kaso ang pamilyang Cojuangco-Aquino. Nararapat lamang na maibahagi sa mga mamamayan ng Hacienda Luisita ang lupa at  kaya mahalaga na buwagin ‘yan dahil ‘yan ang mga lupa mismo ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita. Kaya nararapat na buwagin ‘yan, hindi naman natin makukuha sa legal na paraan ‘yan kundi sa pagbuwag nito mismo at sa tulong ng  lakas ng mamamayan ng Hacienda Luisita,” paggigiit ni Erwin.

Kung kalahating siglo nang ipinagkakait ang lupa ng Hacienda sa magsasaka, higit isang dekada namang mailap sa mga magsasaka ang hustisya sa sinapit na masaker.

Nangyari ang masaker sa bakuran mismo ng Central Azucarera de Tarlac noong 2004 nang si Gloria Arroyo ang pangulo, si Patricia Sto. Tomas ang kalihim ng Department of Labor and Employment na nag-utos ng ‘assumption of jurisdiction’ sa welga ng mga magsasaka at si Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang congressman sa distrito ng asyenda. Sa ngayon, si Arroyo ay kasalukuyang congresswoman sa isang distrito sa Pampanga, matapos makulong sa mga kasong isinampa ng sumunod na administrasyon ni Noynoy, ngunit mabilis lang din niyang nalusutan nang si Rodrigo Duterte na ang pangulo ng bansa. Habang si Noynoy naman ay naging pangulo pa ng bansa anim na taon matapos ang masaker at minulto siya ng masaker sa asyenda ng kanyang pamilya sa anim na taon ng kanyang pamumuno. Katuwang ng pyudalismo ang kalakarang ito—ang burukrata kapitalismo—ang paggamit ng kapangyarihan sa gobyerno para pagsilbihan ang interes ng mga malalaking negosyo at mga panginoong maylupa. Silang mga nakaupo mismo ang panginoong maylupa o kumprador, kundiman mga kroni ng mga ito. Silang mga nakaupo sa gobyerno ang tagalabag ng karapatan ng mamamayan at tagagawa ng mga batas na sa esensya’y nilalabusaw ang mga batayang karapatan ng tao.

“Darating ang araw, mamamayan mismo ang kakamit ng hustisya dahil ‘yan ang matagal niyo nang ipinagkait. Kaya darating ang panahon, huhusgahan mismo ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita at kukunin nang sapilitan ang hustisya para sa mga biktima ng masaker,” sumpa ni Erwin sa mga naghahari-harian sa ating bayan.

Aniya, hindi maikakailang habang patuloy na nakararanas ng kahirapan at kagutuman ang mga magsasaka, masaganang namumuhay at naglalaro ng kapangyarihan ang mga responsable sa kadalitaan at may utang na dugo sa kanilang magsasaka.

Hindi rin nakaligtas ang pamunuan ni Pangulong Duterte sa litanya ni Erwin. Kung may mensahe siya rito, ito raw ang kanyang masasabi:

“Ipinaaabot ko sa kanya, noong una siyang nangampanya sabi niya ay isa siyang maka-kaliwang lider, isa siyang makamamamayan, isa siya sa magsasaka at isa siya sa lumalaban sa panginoong maylupa. Subalit wala pang dalawang taon ng kanyang pamumuno, magsasaka mismo at mga kabataan ang nagiging biktima sa mga inilulunsad niyang kampanyang kontra-droga, pagbobomba sa Marawi, pagbobomba sa kanayunan. Lahat ng kanyang gawain ay pagpapakatuta niya sa lider ng  imperyalistang Estados Unidos na si Donald Trump ang kasalukuyang pinuno.”

Dahil imperyalismo, aniya, ang panlipunang base ng pyudalismo. Pinanatili tayo ng US, Japan, China, Canada, Australia at iba pang bansa, pero US sa pangunahin, na atrasado para manatili tayong taga-supply ng hilaw na materyales, higupin ang mga yamang mineral at petrolyo at pakinabangan ang iba pang likas na yaman. Taga-suplay din tayo ng murang lakas paggawa sa negosyo ng dayuhan sa loob at labas ng ating bansa at sa susunod pa ay gagawin na ring taga-suplay ng mga propesyunal. Hindi nakakapagtayo ang ating bansa ng mga batayang industriya sa bakal, makina, enerhiya at langis ang Pilipinas dahil sa pinipigilan ito ng mga inuutangan nating mga dayuhang bangko at bansa, dahil magiging kakumpetensya pa nila tayo at dahil mawawalan sila ng lalagakan ng kanilang yaring produkto na ibebenta sa atin, na nagmula sa atin ang hilaw na materyales.

Labis-labis ang pagkadismaya ni Erwin sa nangyayari sa kasalukuyan dahil tila nakikinita niyang hindi pa rin nila makakamtan ang hustisya dahil sa pagpapabor ni Duterte sa mga dayuhan.

Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin siyang nakikibaka at kumakapit sa lakas ng kapwa niya api sa lipunang ito. Sabi nga niya, mas marami tayo kaysa sa kanilang mga nagpapasasa. At gaano man na katagal ang pagdurusa ng sambayanan, iluluwal at iluluwal ng sistemang ito ang hanay ng mga mamamayang makikibaka para sa hustisya at pagbabago sa lipunan.

The post Patuloy na pakikibaka sa kabila ng masaker sa Hacienda Luisita appeared first on Manila Today.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 467

Trending Articles